Bilang bahagi ng pagtugon sa learning loss o ang pagkawala ng kaalaman at kasanayan ng isang mag-aaral dahil sa pagkaudlot o pagkagambala ng kanyang edukasyon, namahagi ang lokal na pamahalaan ng mahigit 280,000 workbooks sa mga pampublikong paaralan sa QC.
Ang mga workbooks ay magagamit ng mga mag-aaral mula sa kindergarten hanggang ikalawang baitang upang makapagsanay ng kanilang mga leksyon at patuloy na mahasa ang kanilang mga kaalaman at kasanayan.
Pinangunahan nina Vice Mayor Sotto, mga konsehal, Education Affairs Unit at QC School Division Office ang pamamahagi ng mga workbooks na tinanggap ng mga kinatawan mula sa QC Public School Teachers Association kasabay ng ginanap na flag-raising ceremony ngayong araw.
Patuloy ang mga programa ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte upang tutukan ang pagtugon sa learning loss. Ito ay naaayon sa prayoridad ng lungsod na paghahatid ng kalidad na edukasyon sa ating mga mag-aaral. Kasama rito ang pagbibigay halaga sa mga programang makatutulong sa learning recovery.
Isinagawa rin ang pamamahagi ng mga workbook bilang bahagi ng paggunita ng International Day of Education tuwing ika-24 ng Enero.