Mula 254, lumobo pa sa 331 flood control projects ng DPWH sa lungspd, na may kabuuang pondo na P17 Billion ang nadiskubre ng Quezon City Government, sa tulong ng online sources, mga punong barangay at QCitizens.
Sa press conference kahapon, binanggit ni Mayor Joy Belmonte na 157 sa mga proyekto ay pinondohan sa ilalim ng National Expenditures Program (NEP), habang ang 170 naman ay wala sa listahan ng NEP para sa 2022, 2023, 2024, at 2025.
Ayon naman kay City Engineer Atty. Dale Perral, 305 sa mga proyekto ay hindi nakalinya sa Drainage Masterplan ng lungsod. Mayroong mga itinayo mismo sa waterways, may natitira pang construction debris, itinayo sa existing na imprastraktura, mga nasira na, at mga proyektong may kwestyonableng dami ng phases.
May mga proyekto ring hindi ma-verify kung nakumpleto na, at mga “drainage system” projects na ang actual scope of work lang ay repainting ng sidewalk at pagsasaayos ng manhole ayon sa mga opisyal ng barangay.
Ibinahagi rin sa presscon na dalawa lang sa 331 ang may koordinasyon at pinayagan ng lungsod. Ang iba, tumuloy pa rin kahit walang maayos na pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.
Kaya para mas mapabuti ang pagsusuri ng lokal na pamahalaan sa mga proyektong ito at alamin kung may mga pwede pang pakinabangan, magtutulungan ang lungsod, Philippine Institute of Civil Engineers (PICE) QC, at kay Dr. Mahar Lagmay.
Hihikayatin din ng pamahalaang lungsod ang DPWH na dumalo sa infrastructure committee meetings para matalakay nila ang lahat ng proyekto sa lunsgod.
Mag-iissue naman ang lungsod sa Cease-and-Desist Orders sa mga on-going project na walang certificate of coordination, at titiyakin ang mahigpit na pakikipagtulungan sa mga mamamayan at barangay officials.








