Nagdaos ang Quezon City Government, sa pamamagitan ng City Civil Registry Department, ng training session sa paggamit ng QC E-Services Online Registration System para sa birth at death registration.
Sa pakikipagtulungan sa Estaniel Enterprises, tinuruan ang mga kinatawan mula sa mga government at private hospitals, at lying-in clinics sa lungsod sa step-by-step na proseso ng pagrerehistro.
Nagkaroon din ng question-and-answer forum upang matugunan ang mga katanungan sa mga requirements, at magbahagi ng tamang gabay sa pagharap sa mga suliranin sa pagrerehistro tulad ng tamang placement ng generational suffix, attachment issues, at iba pang teknikal na hamon.
Layon ng user training na ito na gawing mas mabilis, maayos, at wasto ang pagrerehistro ng kapanganakan at pagkamatay, bilang bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod na mapabuti ang serbisyo at igalang ang dignidad ng bawat QCitizen.
Pinangunahan ito nina Atty. Salvador Cariño Jr., Head, City Civil Registry Department; Atty. Ralph Leo Lofranco, Officer-in-Charge, Birth Registration Division; at Rocky Palaganas, Acting Registration Officer V, Death Registration Division. Nakibahagi rin ang Philippine Statistics Authority.








