Dumating ngayong araw sa Quezon City Hall ang unang batch ng tone-toneladang gulay mula sa Atok, Benguet na binili ng pamahalaang lungsod sa mga magsasaka.
Kabilang sa mga biniling gulay ang patatas, kamatis, sayote, broccoli, cabbage, at wombok bilang bahagi ng “rescue-buy” partnership sa ilalim ng Project Unified Buying and Bayanihan Operations sa pangunguna ni Atok Councilor Kelly Denn Tomas para makatulong sa mga agricultural communities sa Benguet.
Nakiisa rin sa pagbili sa ilalim ng Project UBBO ang Barangay Pinagkaisahan, Barangay Lourdes, at Barangay Del Monte.
Ipapamahagi ang mga gulay sa mga miyembro ng QC TODA at sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa pamamagitan ng Social Services Development Department.
Ito ang unang delivery sa apat na nakatakdang padala ngayong buwan.
Pinangunahan nina Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office Head Mona Yap at Traffic and Transport Management Department Head Dexter Cardenas ang pagtanggap sa nasabing delivery.










