Pinangunahan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) ang Walk the Fault activity upang matukoy at mamarkahan ang mga lugar at imprastruktura sa lungsod na tinatahak ng West Valley Fault.
Sinuri ng mga engineer at eksperto mula sa City Engineering Department at Department of Building Official ang mga kalsada at gusaling nasa kahabaan ng fault line at naglagay ng marker kung nasaan ito.
Ang West Valley Fault ay dumaraan sa ilang bahagi ng Quezon City, partikular na sa mga sumusunod na barangay; Bagong Silangan, Batasan Hills, Matandang Balara, Pansol, Blue Ridge B, Libis, Bagumbayan, White Plains, at Ugong Norte.
Ito ang maaaring pagmulan ng tinatawag na “The Big One,” na tinatayang may lakas na 7.2 magnitude na lindol.
Lumahok din si Barangay Libis Chairperson Niña De Jesus at hinikayat ang mga residente na makiisa sa mga aktibidad ng barangay para sa kaligtasan at kahandaan sa lindol.
Patuloy ang pamahalaang lungsod sa pagpapatupad ng mga programa tungo sa kaligtasan ng bawat QCitizen.








