Nakiisa si Mayor Joy Belmonte sa World Bank Report Launch and Forum na may temang “Building the Filipino Middle Class: Towards Resilient Futures and Poverty Eradication” ngayong araw.
Pinangunahan nina Zafer Mustafaoğlu, World Bank Division Director for Philippines, Malaysia, at Brunei, at Liliana Sousa, Senior Economist ng World Bank East Asia and Pacific Region, ang paglulunsad ng ulat na nagsusuri sa mga polisiya upang makabuo ng mas matatag na middle class sa bansa.
Ayon sa ulat ng World Bank, mahalaga ang pagpapabuti ng serbisyo sa lokal na pamahalaan, paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho, edukasyon, at pagpapatupad ng mga programang tutugon sa kahirapan.
Dumalo rin si Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio M. Balisacan at tinalakay ang hakbang ng pamahalaan tungo sa pagkamit ng mga adhikain ng AmBisyon Natin 2040.
Sa panel discussion, nakasama ni Mayor Joy sina Antonio “Tony” G. Lambino II ng Ayala Foundation at Elvin Ivan Y. Uy ng Philippine Business for Social Progress (PBSP) upang talakayin ang kahalagahan ng inclusive development at pagpapalawak ng oportunidad para sa bawat Pilipino.
Binigyang-diin ni Mayor Joy ang mahalagang papel ng mga local government unit sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyo, pagpapatibay ng social protection programs, at pagbuo ng mga polisiyang nakasentro sa kapakanan ng mamamayan.










