Aabot sa 600 solo parents sa lungsod ang nabigyan ng groceries na nagkakahalaga ng P10,000 mula sa Quezon City Government, sa ilalim ng ika-11 batch ng Tindahan ni Ate Joy program.
Mismong sina Mayor Joy Belmonte at Coun. Ellie Juan ang nanguna sa opisyal na turnover ng mga grocery sa mga benepisyaryo, kasama ang mga dating persons deprived of liberty (PDL), at survivors ng violence and abuse na tinulungan ng Quezon City Protection Center (QCPC).
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Mayor Joy na batid ng lokal na pamahalaan ang hirap na dinadanas ng mga solo parent kaya sila ang prayoridad na mabigyan ng iba-ibang programa ng lungsod.
Nagpahayag din ng pasasalamat sa lokal na pamahalaan si Ms. Glory Cairan, dating PDL, na nabigyan ng oportunidad na iangat ang kanilang sarili at pamumuhay ng kanilang pamilya.
Simula noong 2013, libu-libong QCitizens na ang natulungan ng programa. Sumailalim din sila sa mga pagsasanay para sa tamang pamamalakad ng kanilang negosyo at wastong pagpapaikot ng kanilang kita.

















