Pormal nang ibinigay ng Quezon City Government sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pamamahala sa 2.4-hectare na bagong tayong Quezon City Jail sa Payatas Road, Barangay Bagong Silangan.
Ang bagong QC Jail ay inaasahang magpapaluwag at magde-decongest sa kasalukuyang jail facility sa EDSA cor. Kamias road na may congestion rate na 1,247 percent. Pasok din ang bagong pasilidad sa standards ng United Nations.
Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ang ceremonial turnover ng facility kina BJMP Chief JDir Allan Iral, BJMP-NCR Director JCSupt Luisito Muñoz, at QC Male Dormitory Warden JSupt Michelle Bonto.
Ang pagpaplano sa pagpapatayo ng pinakamalaking BJMP facility sa bansa ay nagsimula pa noong administrasyon ni Mayor Sonny Belmonte. Noong 2015 naman, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Herbert Bautista, tuluyan nang nabili ng lungsod ang lupa para sa pasilidad at noong 2016, lumagda na ang lungsod at BJMP sa usufruct agreement.
Ayon kay Mayor Joy, makakalipat na ang mga persons deprived of liberty (PDL) sa susunod na taon, pagkatapos malagyan ng pamahalaang lungsod ng perimeter fence ang bagong city jail.