Tinanggap na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Circle of Excellence Award mula sa International Association of Providers of AIDS Care (IAPAC) sa Fast-Track Cities 2022 conference sa Real (Royal) Alcázar sa Sevilla, Spain. Ang award ay pagkilala sa mahusay at epektibong pagtugon ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa COVID-19.
Kasama ni Mayor Joy sa pagtanggap ng award si CESU Chief Dr. Rolly Cruz.
Pinili ng International Association of Providers of AIDS Care (IAPAC) at ng Fast-Track Cities Institute (FTCi) ang Quezon City matapos ang mahigpit na proseso ng nominasyon, mga deliberasyon, at konsultasyon sa Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS).
Bukod sa Quezon City, lima pang lungsod ang tumanggap ng parangal kabilang ang Amsterdam, New York, Kingston, Johannesburg at Lagos.
Tumanggap din ng “Community Leadership Award” ang 100% Life na isang community-based organization sa bansang Ukraine dahil sa mga pagsisikap nito sa panahon ng patuloy na digmaan sa Ukraine, at sa pagtulong sa mga Ukrainians na apektado ng HIV.