
Upang magbigay ng karagdagang proteksyon sa mga siklistang bumabaybay ng QC Bike Lanes sa Commonwealth Avenue (Eastbound) sa may dakong Philcoa, naglagay ang Pamahalaang Lungsod Quezon ng sampung concrete plant box barriers. Ito ay bilang dry-run upang malaman kung ang disenyo ng nasabing concrete plant box barriers ay sapat para sa mga pangangailangan ng ating mga siklista. Nanguna ang QC Task Force-Bicycle and Active Transport at Green Transport Office – DPOS sa adhikaing ito.
Layunin ng dry-run na pag-aralan ang paggamit ng concrete plant box barriers bilang kapalit ng plastic barriers sa ating mga QC Bike Lanes. Tatagal ng isang buwan ang dry-run, at hinihikayat ang publiko, lalo na ang mga siklista, na magbigay ng mga komento at mungkahi.
Kung maging matagumpay ang dry-run, maaaring magpatuloy ang paglatag ng mga concrete plant box barriers sa iba’t ibang Bike Lanes ng Lungsod, upang maging mas kaaya-aya at ligtas ang mga siklista sa Quezon City.









