Para saan ang Quezon City ID?

Ito ay para malaman ng ating lungsod ang bilang ng mga taga-Quezon City at para mas mapabilis at mas mapadali ang pagbibigay ng mga serbisyo ng Quezon City. Isa rin ito sa mga paraan upang matukoy kung sino ang mga taong gusto at ayaw magpabakuna para sa COVID-19.

May bayad po ba ito?

Wala pong bayad ang ating QCitizen ID.

Ano ang mga kwalipikasyon? / Sino ang pwedeng mag-apply ng QC ID?

  • Lahat ng mga residente o nagtatrabaho sa Quezon City.
  • Kailangan lamang magsumite ng valid ID o Barangay Clearance.
  • Ang digital ID ay para sa lahat pero ang mga residente ng Quezon City na edad 15 anyos pataas lamang ang bibigyan ng physical ID. Iba-iba ang kulay ng QCitizen ID para mas madaling matukoy kung Senior Citizen, Persons With Disability (PWDs), residente o nagtatrabaho sa QC.

Paano mag-apply ng QC ID?

Meron po tayong online registration, pumunta lang sa https://qceservices.quezoncity.gov.ph/.

Gumawa muna ng account sa e-services na gagamitin sa pag fill-up sa QCitizen ID.

Hanggang kailan po ang registration para sa QCitizen ID?

Tuluy-tuloy po ang ating registration ngayong taon, at hinihikayat ang mga Senior Citizen, Persons With Disability (PWDs), at health workers na maunang magparehistro.

Simula January 15 ay gagawin natin ang manual registration sa mga barangay para sa walang kakayahang mag-online registration. Dahil sa pandemya at para maiwasan ang pagpila, pinapayuhan ang lahat na mag-online registration.

May required bang kulay ng background para sa litrato?

Wala pero pinapayuhan ang aplikante na malinaw o light ang background, at malinaw ang kuha ng mukha na gaya ng kuha sa school/company ID o kapag nag-apply ng visa/passport.

Lahat po ba ng mag-aapply ay magkakaroon ng QC ID at kailan ko ito makukuha?

“Hindi lahat ng mag-aapply ay pwedeng magkaroon ng QC ID. Pagkatapos makumpleto ang aplikasyon, dadaan ito sa verification ng LGU para matiyak kung ikaw nga ay nakatira o nagtatrabaho sa Quezon City. Magpapadala ang Quezon City ng email kung approved o hindi ang application.

Ipapadala rin sa email ang inyong digital ID, at abangan rin ang anunsyo kung kailan makukuha ang physical ID para sa edad 15 anyos pataas.”

Bakit kailangan ng unified QCitizen ID kung mayroon namang Senior Citizen, Solo Parent o PWD ID?

Layon ng unified QCitizen ID na pag isahin ang mga ID na ginagamit para sa anumang transaksyon sa pamahalaang lokal, at gawing minsanan na lang ang pagkuha ng ID para maiwasan ang renewal. Ibig sabihin, tanging ang unified QCitizen ID ang inyong kakailanganin at lifetime na ang inyong ID number.

Isinasaayos rin natin ang database ng lungsod para matiyak na updated ito at mas mapadali ang proseso ng pagbibigay serbisyo. Halimbawa, kung sakaling may dagdag-benepisyo para sa seniors, mas madali na silang makikilala o matutunton kung may hawak silang QCitizen ID.

Baka naman maikalat o makalabas ang aking personal na impormasyon?

Tinitiyak ng lokal na pamahalaan na sumusunod ito sa Data Privacy Act, at may dagdag na security features ang website at database para protektado ang inyong personal na impormasyon.

Sa pag-fill out sa form, dapat bang sagutin ang lahat ng hinihinging impormasyon gaya ng bank details o GCash number?

Hindi po kayo obligadong sagutan lahat. Kapag may nakalagay na asterisk (*) sa hinihinging impormasyon, dapat itong lagyan ng tamang sagot. Kapag walang asterisk (*) ay pwede kayong mag-skip o hindi sagutan ang hinihinging detalye. Gayunman, ang bank details o GCash ay para po may record na kayo sakaling may tulong o ayuda sa hinaharap ay doon ito ipapadala. Kung sa inyong palagay ay hindi permanente o pangmatagalan ang inyong bank details o GCash number ay huwag na itong sagutan.